Biyernes, Nobyembre 23, 2012

Bakit ba ang mga KATOLIKO ay may mga SANTO at SANTA? Ating alamin gamit ang KASULATAN..




Ang mga Santo ba'y pinaglalaanan natin ng paggalang at pagmamahal na higit pa sa paggalang at pagmamahal na inilalaan natin sa Diyos? HINDI. Malaki ang paggalang at pagmamahal natin sa mga Santo, subalit ang Diyos ang pinaglalaanan natin ng pinakamalaking paggalang at pagmamahal. Pinagpipitaganan ("pinamimintuhuan") natin ang mga Santo, subalit ang Diyos lamang ang ating Sinasamba. Namimintuho tayo sa mga Santo sapagkat sa pamamagitan nila naipakikilala ng Diyos ang kanyang kadakilaan


Samakatwid, malaki ang pagkakaiba ng relasyon natin sa Diyos at ng relasyon natin sa mga Santo; hindi lang magkaiba sa "sidhi" kundi pati sa mismong "katangiang-likas" ng mga ito. Kaya't walang katuturan na sabihing "nakalilito" ang kaibahan ng pamimintuho sa pagsamba. Ang tanging nalilito rito ay ang mga ireponsableng Katoliko na sinasadyang huwag magsimba, huwag magbasa ng Biblia, at huwag mag-aral ng Pananampalataya, at nagpaparamdam lang sa Simbahan tuwing Binyag-Kasal-Libing. 

 
Bilang mga Cristiano dapat tayong mag-ibigan sapagkat ito'y utos ng Panginoong Jesus (Juan 13:34-35), at sapagkat "ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid" (1 Juan 4:21). Kapatid natin sa pananampalataya ang mga Santo kaya't minamahal natin sila at ipinagpapauna ang kanilang kapurihan (Roma 12:10 Ang Biblia). Dapat nating igalang ang nararapat igalang at parangalan ang nararapat parangalan (Roma 13:7). Dapat nating igalang ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo (1 Pedro 2:17). Ang pamimintuho sa mga Santo ay tahasang itinuturo ng Biblia: 

 
Papurihan naman natin ngayon ang ating mga ninuno,
Ang mga lalaking natanyag noong kani-kanilang panahon.
Sa pamamagitan nila'y ipinakilala
ng Panginoon ang kanyang kadakilaan,
At ipinamalas ang kanyang kapangyarihan sa mula't mula pa...
Malaon nang nalibing ang kanilang mga bangkay,
Subalit mananatili pa ring buhay ang kanilang pangalan.
Matatanyag sa mga bansa ang kanilang katalinuhan,
At patuloy silang pararangalan ng buong sambayanan. 
Ecclesiastico 44:1-2, 14-15

 
Ang mga sari-saring pagkilos na karaniwang nagpapahiwatig ng pagsamba sa Diyos gaya ng pagyuko, pagluhod, pagpapatirapa, pag-aalay, atbp, ay maaari ding gawin bilang tanda ng paggalang sa mga santo. Sa Biblia, NAPAKARAMING HALIMBAWA ng mga pagyuko, pagluhod, pagpapatirapa, at paghahandog na isinagawa bilang paggalang sa mga banal na tao, mga propeta, mga hari, at mga anghel (Genesis 18:2, 19:1, 37:9, 49:8; Exodo 18:7; 2 Samuel 1:2, 9:6, 8, 14:4, 22, 33, 19:8, 14:20; 1 Hari 1:16, 19, 23, 31, 18:7; 2 Hari 1:13; 1 Cronica 21:21, 29:20; Daniel 2:46-48, 8:15-18; Ruth 2:10, atbp). 


Nagiging masama lamang ang mga ito sa tuwing isinasagawa na may intensyong sumamba sa halip na gumalang o mamintuho (Gawa 10:25-26, 14:8-18; Pahayag 19:10, 22:8-9). HINDI SINAWAY nina Apostol San Pablo at Silas ang bantay-bilangguan na nagpatirapa sa kanila, sapagkat iyon ay pamimintuho lamang at hindi pagsamba (Gawa 16:29). HINDI SINAWAY ng mga anghel ang mga babaeng nagpatirapa sa kanila ("lumuhod, sayad ang mukha sa lupa") dahil iyon ay pamimintuho lamang at hindi pagsamba (Lucas 24:4-5). 



Masama bang manalangin sa mga Santo? Hindi. Ang salitang Ingles nito na "prayer" ay hango sa salitang Latin na precari na ang ibig lang sabihin ay "pagsusumamo" o "pakikiusap". Ang pakikiusap o pagsusumamo sa kapwa natin ay hindi masama; sa katunayan, mismong si Apostol San Pablo ay nakikiusap/nagsusumamo sa kapwa niya Cristiano (Galacia 4:12; Filipos 4:2-3; Filemon 20). 


Sa ating mga Katoliko ang pakikipag-ugnayan natin sa Diyos at ang pakikipag-ugnayan natin sa mga Santo ay parehong tinatawag na "pananalangin", subalit ang dalawang ito'y malaki ang pagkakaiba. Ang pagdalangin sa Diyos ay ang pagtutuon ng ating puso't isipan sa Diyos, sapagkat Siya ang pinakadakila at makapangyarihan sa lahat, na buong pagmamahal na nagkakaloob sa atin ng mga mabubuting bagay. Ang pagdalangin sa mga Santo ay ang paganyaya sa kanila na samahan tayo sa pagdalangin sa Diyos; hinihiling natin sa kanila na ipanalangin nila tayo.

 
Subalit bakit pa natin kailangang hilingin sa mga Santo na ipanalangin nila tayo, sa halip na "dumeretso" na lang tayo sa Diyos? Ito'y sapagkat IKINALULUGOD NG DIYOS sa tuwing ipanapanalangin natin ang isa't-isa:  

"Una sa lahat, ipinakikiusap kong paabutin ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan, panalangin, pamanhik, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Gayon din ang gawin ninyo para sa mga hari at mga maykapangyarihan upang makapamuhay tayo nang tahimik at payapa, marangal at may kabanalan. Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas na ang ibig ay maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan." (1 Timoteo 2:1-4).

 Kaya nga, walang masama--bagkus ay napakabuti pa nga--na ipanalangin natin ang ibang tao, at lalong walang masama na hilingin natin sa iba na ipanalangin naman nila tayo (Mateo 5:44; Santiago 5:16; 1 Timoteo 2:1-4; Roma 15:30; Efeso 6:19; Colosas 4:3-4; atbp). Mas maraming nagpapasalamat sa Diyos kung marami tayong nanalangin sa Kanya. Sinabi ni Apostol San Pablo: "Kami'y iniligtas niya noon sa tiyak na kamatayan at patuloy na inililigtas, at umaasang patuloy na ililigtas sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa kanya dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami." (2 Corinto 1:10-11). 


Pinagmamalasakitan at ipinapanalangin din tayo ng mga anghel (Zacarias 1:12), at sila ang naghaharap ng mga panalangin natin sa Diyos. Sinabi ni Jesus: "Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama." (Mateo 18:10). Nang ang Panginoong Jesus ay natigib ng hapis na "halos ikamatay" niya, dumating ang isang anghel upang palakasin ang kanyang loob (Lucas 22:43). Tahasan ding sinabi ni Anghel Rafael kay Tobit: 


"Ngayon ko sasabihin sa inyo na noong manalangin ka, Tobit, at ang manugang mong si Sara sa Panginoon, ako ang nagharap ng dalangin ninyo sa Diyos. Gayon din ang ginagawa ko sa tuwing may inililibing ka. Alam ko na kahit ka kumakain ay iniiwan mo ang hapag para lamang maglibing ng patay. Bumaba ako rito para samahan ka. Ako rin ang sinugo ng Diyos para pagalingin ka at ang iyong manugang na si Sara. Ako si Rafael, isa sa pitong anghel na humaharap sa Diyos para maglingkod sa kanya."
Tobit 12:12-15  

Gaya ng mga anghel, ipinapanalangin din tayo ng mga Santo sa Langit. Sila'y "nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw-gabi sa templo niya." (Pahayag 7:15). Kasama ng mga anghel, sila rin ang naghaharap ng mga panalangin natin sa Diyos: "Lumapit ang Kordero at kinuha ang kasulatang nakalulon sa kanang kamay ng nakaluklok sa trono. Nang ito'y kunin niya, nagpatirapa sa harapan ng Kordero ang apat na nilalang na buhay at ang dalawampu't apat na matatanda. May hawak na alpa ang bawat isa, at may gintong mangkok na puno ng kamanyang. Ito ang panalangin ng mga banal." (Pahayag 5:7-8). Tahasan ding ipinakita sa Aklat ng Macabeo na ipinapanalangin tayo ng mga Santo sa Langit. BAGAMAT PATAY NA, ang Dakilang Saserdote noon na si Onias at si Propeta Jeremias ay nanalangin sa Diyos para sa kapakanan ng bansang Judio: 

"Nakita niya sa pangitain si Onias, dating Dakilang Saserdote at isang taong dakila at kahanga-hanga, mabait, mapagpakumbaba, magaling manalumpati, at sapul pagkabata'y sinanay na sa banal na pamumuhay. Nakataas ang kamay ni Onias habang nananalangin alang-alang sa bansang Judio. Lumitaw naman sa isang dako ang isa pang taong maputi na ang buhok na sa anyo ay marangal din at may pambihirang kapangyarihan. Ganito ang wika ni Onias tungkol sa taong ito: 'Ito si Jeremias, ang propeta ng Diyos na mapagmalasakit sa kanyang mga kapatid at maalab manalangin para sa banal na lunsod.' "
2 Macabeo 15:12-14
 
 
Ang mga Cristianong nasa daigdig at ang mga Cristianong nasa Langit (pati na rin ang mga nasa Purgatoryo) ay nagkakaisa dahil ang lahat ay kabilang sa iisang Katawan ni Cristo, ang Simbahan. Ang mga sambahayan sa langit at sa lupa (Efeso 3:15) ay nagkakaisa sa iisang Simbahan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, ang ulo at panulukang-bato (Colosas 1:17-20; Efeso 2:21). Kaya naman, ang mga Santo sa Langit, ang mga banal na kaluluwang nililinis sa Purgatoryo, at ang mga santo dito sa Simbahan sa daigdig (lahat tayong mga Katoliko'y "santo" rin) ay may matalik na ugnayan sa isa't-isa. Pinatunayan ito ni Jesus nang siya'y nakipag-usap kina Propeta Moises at Propeta Elias (Lucas 9:31). Maliwanag ding sinasabi sa Sulat sa mga taga-Hebreo: 


"Ang nilapitan ninyo'y ang Bundok ng Sion at ang lunsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di-mabilang na anghel. Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon ng mga ibinilang na panganay, na nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong banal na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos..."
Hebreo 12:22-23
 
 
Kaya naman, ang ating pakikiisa sa mga Santo sa Langit ay IBANG-IBA sa "pagtatawag sa espiritu ng mga patay" na ginagawa ng mga espiritista at mga engkantador na ipinagbabawal ng Diyos (Levitico 19:31; Deuteronomio 18:11; Isaias 8:19-20). Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid (Santiago 5:16), kaya't sa ating pagdalangin sa Diyos, inaanyayahan natin ang mga Santo na manalanging kasama natin, upang mabigyang-lugod ang Diyos at ipagkaloob Niya ang mas lalong mabuti na higit pa sa hinihiling natin sa Kanya.
Sa ngayon, ang pinakamabuting magagawa natin ay ituwid ang ating mga kapatid na Katoliko na hinahaluan ng mga kataku-takot na pamahiin ang mga debosyon sa mga Santo. Iyan lang naman kasi ang "puno't-dulo" kaya maraming Protestanteng tumutuligsa sa ating mga ginagawa. Inaakala ng mga Protestante na dini-diyos natin ang mga santo, na "sinasapawan" na ng mga debosyon sa mga Santo ang debosyon natin sa Diyos, at pinapalitan na ng mga Santo ang pagiging Tagapamagitan ni Jesus. Ito'y isang malaking hamon hindi lamang para sa mga pari, kundi para na rin sa ating lahat na nakakaintindi.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento