1. Bakit bawal mag-asawa ang mga pari?
Ang mas tamang itanong ay kung bakit hindi maaaring pagsabayin ang buhay may-asawa at ang ministeryo ng pagpapari. Sa Simbahang Katoliko, maaari pa rin namang maordinahan sa pagka-pari ang mga lalaking may-asawa. Halimbawa, ipinahihintulot ng Simbahan ang pagkakaroon ng mga paring may-asawa sa mga "Uniate" o "Eastern Rite Churches"1. Inoordinahan din sa pagka-pari ang mga pastor Protestanteng may-asawa na nagbalik-loob sa Pananampalatayang Katoliko. Hindi "bawal" sa mga pari ang mag-asawa kung gusto talaga nilang mag-asawa at kung talagang may mabigat na dahilan para mag-asawa sila; kailangan lang nila ng kaukulang pahintulot upang sila'y alisin sa kanilang ministeryo at nang sila'y makapag-asawa. Hindi nila maaaring pagsabayin ang pagiging ministro ng Simbahan at ang buhay may-asawa. Kailangan nilang isuko ang isa alang-alang sa isa.2. Kung gayon, bakit hindi maaaring pagsabayin ang buhay may-asawa at ang pagpapari?
May mga tungkulin na dapat tupdin ang lalake sa kanyang asawa, sapagkat "hindi na ang lalaki ang may kapangyarihan sa sariling katawan kundi ang kanyang asawa." (1 Corinto 7:3-4). "Ang pinagsusumakitan ng lalaking may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito, sapagkat ibig niyang makapagbigay-lugod sa kanyang asawa. Dahil dito'y hati ang kanyang pagmamalasakit." (1 Corinto 7:33-34). Samakatuwid, magiging sagabal sa ministeryo ng pari ang pagkakaroon ng asawa, sapagkat sa halip na ituon niya ang kanyang buong panahon sa paglilingkod sa Simbahan, obligasyon pa niyang asikasuhin ang kanyang sariling pamilya. Mas nararapat sa ministeryo ng pagpapari ang mga taong walang asawa sapagkat "Ang pinagsusumakitan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawain ukol sa Panginoon, sapagkat ibig niyang maging kalugud-lugod sa Panginoon." (1 Corinto 7:32). Ang Panginoong Jesus mismo'y hindi nag-asawa, gayon din si Apostol San Pablo. Sinabi sa Biblia: "Mabuti ang magpakasal, ngunit lalong mabuti ang magpigil sa sarili at huwag mag-asawa." (1 Corinto 7:38).3. Si Apostol San Pedro pati na rin ang iba pang mga apostol ay may mga asawa.
Bagama't may-asawa sina Apostol San Pedro at ang iba pang mga apostol (1 Corinto 9:5), iniwan naman nila ang lahat upang maiukol ang kanilang buong buhay sa paglilingkod kay Jesus at sa Simbahan: "At nagsalita si Pedro, 'Tingnan po ninyo: iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo...' " (Mateo 19:27; Marcos 10:28; Lucas 18:28). Dahil dito'y sinabi sa kanila ni Jesus: "Tandaan ninyo ito: walang taong nag-iwan ng tahanan, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak, dahil sa paghahari ng Diyos, na di tatanggap ng makapupung higit sa panahong ito, at ng buhay na walang hanggan sa panahong darating." (Lucas 18:29-30; Mateo 19:29; Marcos 10:29-30). Ang sinomang tinawag ni Jesus upang maglingkod sa kanya at sa Simbahan ay dapat talikdan ang lahat sa kanyang buhay alang-alang sa ikauunlad ng Kaharian ng Diyos. Sinabi ni Jesus: "Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang sinumang hindi magpasan ng sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko...hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman, kung hindi niya tatalikdan ang lahat sa kanyang buhay." (Lucas 14:26,33).4. Hindi ba't ang pagbabawal ng pag-aasawa ay aral ng diyablo? Iyan ay maliwanag na itinuturo sa 1 Timoteo 4:1-3.
Tunghayan natin ang sinasabi sa naturang teksto: "Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu: sa huling panahon, iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susundin nila ang magdarayang espiritu at ang mga aral ng diyablo dahil sa panlilinlang ng mga sinungaling na ang mga budhi'y may tatak ng pagiging alipin ni Satanas. Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos para kaining may pasasalamat ng mga sumasampalataya at lubos na nakauunawa ng katotohanan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, at walang dapat ipalagay na masama. Lahat ay dapat tanggaping may pasasalamat sapagkat nililinis ito ng salita ng Diyos at ng panalangin." (1 Timoteo 4:1-5). HINDI ITO TUMUTUKOY SA LAHAT NG URI NG PAGBABAWAL SA PAG-AASAWA, bagkus tumutukoy lamang ito sa mga taong nagbabawal sa pag-aasawa dahil sa paniniwalang masama ang pag-aasawa. Kaya nga't binigyang-diin ni Apostol San Pablo: Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, at walang dapat ipalagay na masama. Hindi minamasama ng Simbahang Katoliko ang pag-aasawa at pakikipagtalik. Ipinagbabawal lang niya ito sa mga nasa ministeryo dahil magiging "hati ang kanilang pagmamalasakit" (1 Corinto 7:34) kung mag-aasawa sila.Isa pa, hindi lahat ng mga "pagbabawal sa pag-aasawa" ay aral ng diyablo. Halimbawa, alam nating lahat na bawal mag-asawa ang lalake sa lalake, o babae sa babae. Bawal mag-asawa ang mga menor de edad. Bawal mag-asawa ang tao sa hayop. Bawal mag-asawa ang may mga asawa na. Sa Biblia mismo, sinasabing bawal mag-asawa ang mga babaeng balo na nakatalaga sa paglilingkod sa Simbahan (1 Timoteo 5:11). May mga denominasyong Protestante din na ipinagbabawal sa kanilang miyembro ang pag-aasawa ng di-kaanib ng denominasyon nila. Ang mga ito'y halimbawa ng lehitimong pagbabawal, isang maliwanag na indikasyon na hindi lahat ng pagbabawal sa pag-aasawa ay maituturing na "aral ng diyablo". May nagbabawal sa pag-aasawa dahil hinahamak ang pag-aasawa at mayroon namang nagbabawal sa pag-aasawa alang-alang sa mga mas mabuting bagay. Hindi hinahamak ng Simbahang Katoliko ang pag-aasawa; ipinagbabawal niya sa mga pari ang pag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng Kaharian ng Diyos.
5. Ang mga ministro ng Simbahan ay dapat mag-asawa sapagkat iyon ay isa sa mga katangiang hinahanap sa kanila. Iyan ay maliwanag na itinuturo sa 1 Timoteo 3:2,12; at Tito 1:6.
Habang ipinahihintulot noon ng Simbahan na maordinahan ang mga lalaking may-asawa, mayroon naman silang obligasyon sa ganap na pagtitimpi o "perfect continence". Ibig sabihin, ang mga may-asawang ministro ay hindi na maaaring mamuhay kasama ng kanilang mga kabiyak. Kailangan na nilang talikdan ang anumang gawa o relasyong sekswal. Hindi "imbento" ng Simbahan ang ganitong panuntunan; ito mismo ang kalooban ng Panginoong Jesu-Cristo, gaya nga ng naipakita na natin (Lucas 14:26,33; Mateo 19:27; Marcos 10:28; Lucas 18:28).Pansining mabuti ang tagubilin ni Apostol San Pablo tungkol sa mga pipiliing Obispo, Presbitero, at Diakono sa Simbahan. Sinabi niya na sila'y dapat maging "asawa ng isa lamang babae" (1 Timoteo 3:2,12; Tito 1:6 Ang Biblia). Ito rin ang panuntunan para sa mga babaeng balo na nagtalaga ng sarili sa paglilingkod sa Simbahan: dapat sila'y "asawa ng isa lamang lalake" (1 Timoteo 5:9). Sinabi ni Apostol San Pablo kay Timoteo na huwag niyang isasali sa talaan ng mga babaeng balo ang mga bata pa o wala pa sa edad na animnapu sapagkat baka hangarin nilang mag-asawa ulit at sa gayo'y masisira nila ang kanilang unang pangako (1 Timoteo 5:11-12). Samakatwid, ang mga ekpresyong "asawa ng isa lamang babae"/"asawa ng isa lamang lalake" ay hindi obligasyong mag-asawa bagkus ito'y nangangahulugang isang beses lang sila dapat mag-asawa. Ang isang lalaking balo na nag-asawa ulit ay hindi maaaring ordinahan. At para naman sa mga may-asawang ministro, kung sakaling mamatay ang kanilang mga asawa, ay hindi na sila maaari pang mag-asawa ulit. Sa Biblia, maliwanag na itinuturo ni Apostol San Pablo na ang pag-aasawa ulit ng mga balo ay hindi masama (1 Corinto 7:8-9). Lumalabas na ang panuntunang ipinatutupad sa mga naglilingkod sa Simbahan na sila'y dapat minsanan lang nag-asawa ay hindi isang "karaniwang obligasyong moral" para sa lahat ng mga Cristiano, bagkus ay isang tanging alituntunin para sa mga naglilingkod sa Simbahan. Kung gayon, bakit sila lang ang inoobliga sa panuntunang ito? Ito'y dahil sa obligasyon ng bawat naglilingkod sa Simbahan sa ganap na pagtitimpi. Ang muling pag-aasawa ay nagpapatunay na ang isang tao ay walang kakayahang mamuhay sa ganap na pagtitimpi na hinihingi sa bawat lingkod ng Simbahan. Kung magagawa nilang magtimpi sa pagnanasang muling mag-asawa, mapatutunayan nilang may kakayahan silang tupdin ang buhay ng ganap na pagtitimpi. Hindi man halata sa biglaang pagbabasa, ipinakikita ng tagubiling "maging asawa ng isa lamang babae" na ang mga Obispo, Presbitero, Diakono, at pati mga babaeng balong naglilingkod sa Simbahan ay may obligasyon sa buhay ng ganap na pagtitimpi o "perfect continence".
Subalit may mas malalim pang dahilan sa kung bakit ang mga Obispo, Presbitero, at mga Diakono ay dapat maging "asawa ng isa lamang babae". Ang mga pari ay kumakatawan kay Cristo, at sinasagisag ng kanilang ministeryo ang matalik na ugnayan ni Jesus sa Simbahan. Sinabi ni Apostol San Pablo: "Nakadarama ako ng maka-Diyos na panibugho; tulad kayo ng isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, kay Cristo." (2 Corinto 11:2). Ang pagmamahal ng lalaki sa kanyang asawa ay gaya ng pagmamahal ni Jesus sa Simbahan (Efeso 5:32). Ang Simbahan ay ang "malinis na dalaga" na asawa ng isang lalaki, si Jesu-Cristo. Si Apostol San Pablo ay nakikibahagi sa paninibugho ni Jesus sapagkat bilang apostol, siya ang kumakatawan kay Jesus. Ang mga pari ay namumuhay sa "ganap na pagtitimpi" sapagkat sila ang kumakatawan sa "isang lalaki"--si Jesus, na asawa ng "isa lamang babae"--ang Simbahan. At sapagkat ang asawa ni Jesus ay isang "malinis na dalaga", ang kanilang pagsasama ay espiritwal at hindi maka-laman. Ang pari ay nagtitimpi sa mga gawang sekswal at sa mga relasyong sekswal sapagkat ang kanyang ugnayan sa Simbahan ay espiritwal. Ang kapangyarihan ng mga pari na maging kinatawan ni Cristo ang pinaka-dahilan sa kung bakit dapat silang mamuhay sa ganap na pagtitimpi.
6. Ang mga ganyang panuntunan tungkol sa "ganap na pagtitimpi" at di-pag-aasawa ay imbento lang ng Simbahan noong 1079 AD.
Katulad ng naipakita na natin, ang alituntunin sa "ganap na pagtitimpi" ng mga ministro ng Simbahan ay mula mismo sa turo ng Panginoong Jesus at ng mga apostol. Ang ganap na pagtitimpi ay ipinatutupad na ng Simbahan noon pang ika-apat na siglo. Ipinatupad ito ng konsilyo ng Elvira noong 310 AD, sa konsilyo Ecumenico ng Nicea noong 325 AD, sa dekreto ni Pope Siricius noong 385 AD, sa konsilyo ng Africa noong 390 AD, at sa konsilyo ng Carthage noong 419 AD. Noong pamumuno ni Pope St.Gregory VII noong 1073-85, ipinagbawal na niya ang pag-aasawa ng mga pari. Lalo itong itinaguyod sa konsilyo Ecumenico ng Lateran noong 1139. Subalit nang lumitaw ang mga Protestante noong ika-16 na siglo, hindi lang nila itinakwil ang "ganap na pagtitimpi" ng mga pari, itinaguyod pa nila ang pag-aasawa ng mga ministro. Maliwanag na ipinakikita ng kasaysayan na ang mga Protestante ang nagpakilala ng isang bagong alituntunin para sa mga ministro ng Simbahan.7. Ang hindi pag-aasawa ay masama, at siyang pangunahing sanhi ng homosekswalidad, paedophilia,2 at mga sari-saring sekswal na krimen at pang-aabuso.
Ang Panginoong Jesu-Cristo mismo'y hindi nag-asawa, kaya't kung masama ang di-pag-aasawa, at kung ito ang pangunahing sanhi ng mga sari-saring sekswal na krimen at pang-aabuso, lumalabas na ang Panginoong Jesu-Cristo ay isang napakasamang tao. Pati si Apostol San Pablo ay isa na ring napakasamang apostol! Subalit taliwas sa sinasabi ng mga anti-Katoliko, ang hindi pag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng Kaharian ng Diyos ay napakabuti at kapuri-puri sa mata ng Diyos (Karunungan 3:13-14). Ito'y isang Kaloob na mula sa Panginoon (1 Corinto 7:6). Ang totoong sanhi ng kasamaan ay ang hindi pagkilala sa Katotohanan: "Sapagkat ayaw nilang kumilala sa Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa kanilang masamang pag-iisip at sa mga di tumpak na asal. Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan, kasakiman, masasamang isip. Napuno sila ng pagkainggit at masasamang hangarin, nahumaling sa pagpatay, pagtatalo, at pagdaraya. Sila'y masisitsit, mapanirang-puri, napopoot sa Diyos, walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, mga suwail sa magulang, mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di marunong lumingap sa kapwa." (Roma 1:28-31 basahin din 1:18-32). HINDI BIBLIKAL at WALANG KATUTURAN na ibintang sa buhay Selibato ang pag-iral ng mga sekswal na krimen. Ang pagsasabing ang di pag-aasawa ang sanhi ng mga sekswal na krimen ay katumbas na rin ng pagsasabing ang pag-aaral nang mabuti ang sanhi ng kamangmangan.Sinabi ni Jesus:
"...mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng
paghahari ng Diyos. Ang makatatanggap ng simulaing ito ay tumanggap
nito."
|
footnotes:
1. Uniat = member of Eastern Christian Church: a member of any of the Eastern Christian Churches that recognize papal supremacy but keep their own liturgy, language, and canon law.Reference Library 2004.
2. pedophilia = sexual desire for children: sexual desire felt by an adult for children, or the crime of sex with a child
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento