Santa Maria: Birhen Magpakailanman?
Sinabi ni anghel Gabriel kay Maria: "Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya'y tatawagin mong Jesus. Magiging dakila siya, at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan." (Lucas 1:31-33).
Subalit may problemang nakita si Maria na maaaring maging hadlang para sa pagsasakatuparan ng sinabi ni anghel Gabriel sa kanya. "Paanong mangyayari ito, sa ako'y hindi nakakakilala ng lalake?" (Lucas 1:34 Ang Biblia).
Si Maria'y hindi nakakakilala ng lalake at sa gayo'y hindi siya maaaring maglihi at manganak. Subalit ano bang ibig niyang sabihin sa "hindi ako nakakakilala" ng lalake?
Sa Biblia maraming pwedeng maging kahulugan ang salitang "nakikilala". Maaaring tumutukoy ito sa intelektwal na pagkakilala. Halimbawa,
"Ngunit hindi nakilala ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat nawala na si Jesus sa karamihan ng tao."
Juan 5:13
"Samantalang nag-uusap sila at nagtatanungan, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila. Siya'y nakita nila, ngunit hindi nakilala agad."
Lucas 24:15-16
Maaari din naman na ito'y tumutukoy sa pakikipagtalik. Halimbawa,
"At nakilala ng lalake si Eva na kaniyang asawa; at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain..."
Genesis 4:1 Ang Biblia
"At nakilala ni Cain ang kaniyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Enoc..."
Genesis 4:17 Ang Biblia.
Imposible naman na intelektwal na pagkakilala ang tinutukoy ni Maria sa kanyang tanong, sapagkat nakatakda na silang ikasal ni Jose noong mga panahong iyon (Mateo 1:18; Lucas 1:27). "Magkakilala" na sila ni Jose. Kung pakikipagtalik naman ang ibig sabihin ni Maria, bakit pa niya sinabing hindi siya nakakakilala ng lalaki, gayong normal lang naman na kapag nagsama na sila ni Jose ay magtatalik na sila, at sa gayo'y maglilihi siya at manganganak?
Maliban na lang kung may pangako siya sa Diyos na mananatiling birhen habang nasa buhay may-asawa.
WALANG KATUTURAN ANG TANONG NI MARIA, maliban na lang kung ayaw talaga niyang makipagtalik kahit na maging mag-asawa na sila ni Jose.
Lumalabas, ang kanyang kagustuhan na manatiling birhen habang nasa buhay may-asawa ang nakikita niyang hadlang para maisakatuparan ang sinabi ni anghel Gabriel na siya'y maglilihi at manganganak. Kung hindi ganito ang kaso, lumalabas na si Maria'y wala sa kanyang sarili nang siya'y kinausap ni anghel Gabriel, at hindi siya talaga maituturing na "nanalig sa Diyos" (Lucas 1:45).
Sa puntong ito, nagiging makatuwiran ang tugon ni anghel Gabriel sa kanya: "Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng kataas-taasan. Kaya't banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elisabet? Alam ng lahat na siya'y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalantao--sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos." (Lucas 1:35-37)
Ipinaliwanag ni anghel Gabriel kay Maria na ang paglilihi nito ay hindi magiging resulta ng pakikipagtalik na siyang pinoproblema ni Maria sa simula pa. Lumalabas lang na talagang itinalaga na ni Maria ang kanyang pagka-birhen sa Diyos bago pa man sila magsama ni Jose.
Pansining mabuti ang mga ginawa ni Jose nang sila'y magsama na ni Maria. Binigyang-diin ni Mateo na "hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan nga niyang Jesus" (Mateo 1:25) Ipinahihiwatig nito na sa isang karaniwang mag-asawa, ang mag-asawa'y nagtatalik pa rin kahit nagdadalantao pa ang babae, at sa kaso nina Jose at Maria ay HINDI NILA ITO GINAWA.
Lumalabas na sang-ayon si Jose sa desisyon ni Maria na manatiling birhen kahit na sila'y nagsasama na bilang mag-asawa.
Subalit ang sabi naman ng mga Protestante, hindi ba't kapag sinabing "hindi ginalaw ni Jose si Maria hanggang sa maipanganak nito ang isang sanggol na lalaki na pinangalanan nga niyang Jesus" ito'y nangangahulugang gagalawin na niya si Maria kapag naipanganak na si Jesus?
Sa Biblia, maraming pwedeng maging kahulugan ang mga katagang "hanggang sa". Maaaring tumukoy ito sa isang aksyon na hindi pa ginagawa, at nagkaroon ng katuparan kapag natugunan ang isang kundisyon.
Halimbawa,
"Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang pangitain hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao."
Mateo 17:9
Nang si Jesus ay namatay at muling nabuhay, ang pangitain ay ipinagsabi na ng mga apostol.
"Sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing."
Mateo 5:26
Ibig sabihin, kapag nabayaran mo na ang kahuli-hulihang kusing, makakalabas ka na.
Pero hindi lang iyan ang pwedeng kahulugan ng "hanggang sa".
Maaari din itong tumukoy sa isang aksyon na nagtuluy-tuloy sa isang takdang panahon, at hindi nabago kahit narating na ang takdang panahon. Halimbawa,
"Tandaan ninyo: ako'y kasama ninyo hanggang sa katapusan ng sanlibutan."
Mateo 28:20
Iiwan na ba ni Jesus ang kanyang mga alagad kapag sumapit na ang katapusan ng sanlibutan?
"Hindi nagdalantao si Micol hanggang sa mamatay."
2 Samuel 6:23
Nagadalantao ba si Micol nang siya'y mamatay na?
Siyempre, hindi.
Kaya naman, nang sinabi sa Mateo 1:25 na si Maria'y hindi ginalaw ni Jose hanggang sa maipanganak si Jesus, HINDI ITO SAPAT NA BATAYAN para sabihing nagtalik nga sila matapos isilang si Jesus! Ipinahihiwatig lamang nito na sila'y hindi nagtalik nang mga panahong si Maria'y nagdadalantao.
Subalit kung talagang nanatiling birhen si Maria (at si Jose!), paano naman natin ipaliliwanag ang mga "kapatid ni Jesus" na binabanggit sa Biblia (Mateo 12:46; Marcos 3:31; Lucas 8:19; Juan 2:12; Gawa 1:14; 1 Corinto 9:5)? Sino sina Santiago (na sang-ayon sa Galacia 1:19 ay "kapatid ng Panginoon"), at Joset, at Simon, at Judas, at mga kapatid na babae ni Jesus (Mateo 13:55-56; Marcos 6:3)? Hindi ba't mga anak sila nina Jose at Maria?
Sinabi ni Apostol San Pablo: "Nakaraan pa ang tatlong taon bago ako umakyat sa Jerusalem upang makipagkita kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. Wala akong nakitang apostol liban kay Santiago na kapatid ng Panginoon." (Galacia 1:18-19).
Mayroong dalawang apostol si Jesus na may pangalang "Santiago": si Santiago na anak ni Zebedeo (Mateo 4:21; Marcos 10:2), at si Santiago na anak ni Alfeo (Mateo 10:3; Marcos 3:18). Ang kapatid ni Santiagong anak ni Zebedeo ay si Apostol San Juan, at ang kapatid naman ni Santiagong anak ni Alfeo ay si Joset ("Jose" sa Ebanghelyo ni Mateo). Sa listahan ng mga kapatid ni Jesus, nangunguna ang mga pangalan nina Santiago at Jose (Mateo 13:55-56; Marcos 6:3), kaya masasabi natin na si Santiagong anak ni Alfeo ang tinutukoy na "kapatid ng Panginoon" sa Galacia 1:19. Hindi sila anak ni Jose na asawa naman ni Mariang ina ni Jesus.
Sa iba pang bahagi ng Biblia, sinasabing ang magkapatid na Santiago at Joset (Jose) ay anak ng babaeng "Maria" din ang pangalan (Mateo 27:56; Marcos 15:40, 47, 16:1; Lucas 24:10), at kabilang siya sa mga babaeng alagad ni Jesus, nakasaksi sa kanyang pagkamatay, pagkalibing, at muling pagkabuhay. Tinatawag ni Mateo ang kanilang nanay na "ang isa pang Maria" (Mateo 27:61, 28:1), hindi si Mariang ina ni Jesus.
Sa Biblia, ang mga kamag-anak ay tinatawag pa ring "kapatid". Halimbawa,
"At sinabi ni Laban kay Jacob; sapagka't ikaw ay aking kapatid ay nararapat ka bang maglingkod sa aking ng walang bayad? sabihin mo sa akin kung ano ang magiging kaupahan mo."
Genesis 29:15 Ang Biblia
Subalit hindi naman tunay na magkapatid sina Laban at Jacob: si Laban ay TIYUHIN ni Jacob! (Genesis 29:13-14)
Kaya naman, masasabi nating kaya tinatawag sina Santiago at Joset na "kapatid" ni Jesus ay sa dahilang sila'y KAMAG-ANAK ni Jesus.
May posibilidad na si Maria na kapatid ng ina ni Jesus (Juan 19:25) at si Maria na ina nina Santiago at Joset ay iisang tao lang, lalo na kung pagtutugma-tugmain ang mga sinasabi sa apat na Ebanghelyo. Posibleng si Mariang ina nina Santiago at Joset ay ang asawa ni Alfeo.
Subalit sang-ayon sa Juan 19:25, ang asawa ng kapatid ng ina ni Jesus ay "Cleopas" at hindi "Alfeo". Paano ito?
Posibleng ang "Cleopas" ay iba pang pangalan ni Alfeo, dahil sa Biblia ang isang tao ay nagkakaroon ng maraming pangalan. Halimbawa, si Apostol Simon ay tinatawag ding "Pedro" at "Cefas". Si Saulo ay bigla na lang nagpalit ng pangalang "Pablo" nang siya'y maging Cristiano. Si Jose na isa sa mga pinipiling papalit kay Judas Iscariote sa pagka-apostol ay tinatawag ding "Barsabas" at "Justo" (Gawa 1:23). Kaya't posibleng si Alfeo ay tinatawag lang din na "Cleopas".
Kaya't si Maria na asawa ni Cleopas at si Mariang ina nina Santiago at Joset ay iisang tao lang, at siya'y "kapatid" ni Mariang ina ni Jesus.
At siyempre, kung ang nanay nina Santiago at Joset na si Maria ay "kapatid" ni Mariang ina ni Jesus, lumalabas nga na kamag-anak sila ni Jesus at matatawag silang mga kapatid ni Jesus. Tandaan lang natin na si Santiagong "kapatid ng Panginoon" (Galacia 1:19), ay hindi anak ni Jose at ni Maria, kundi anak ni Alfeo at ng isa pang Maria. Lumalampas na sa nasusulat kapag ipinagpilitan pa nating si Santiago ay anak ni Jose o ni Maria. Kung si Santiago ay nangunguna sa listahan ng mga kapatid na lalake ni Jesus gayong hindi naman siya talaga tunay na kapatid ni Jesus kundi kamag-anak lang, lumalabas na sina Simon, at Judas, at mga kapatid na babae ni Jesus ay mga mas malalayo pang kamag-anak ni Jesus (dahil kung isa sa kanila ay tunay na kapatid ni Jesus, dapat lang na unahin silang banggitin sa listahan, hindi ba?).
Sabi naman ng ilang mga anti-Katoliko, hindi daw tatawaging "panganay" si Jesus kung wala siyang "bunsong kapatid". Subalit maliwanag daw na sinasabi na siya'y panganay na anak ni Maria (Lucas 2:7).
Subalit IBA ANG BIBLIKAL NA KAHULUGAN ng pagiging "Panganay". Ang panganay ay ang "anomang nagbubukas ng bahay-bata" (Exodo 13:2 Ang Biblia). Hindi kailangang magkaroon ng "bunso" o pangalawa, o pangatlo, o pangapat, atbp na kapatid bago lang matawag na panganay ang unang anak. Ito ay isang legal na titulo na itinataguri sa unang anak ng isang pamilya (at kahit hayop).
Kaya nga, walang anumang sinasabi sa Biblia na si Maria'y hindi nanatiling birhen.
Ang mga tumutuligsa sa pagka-birhen ni Maria ay bunsod lang ng mga sari-saring pagmamarunong ng mga nagsariling-halal na pastor sa ating kapanahunan (2 Pedro 1:20). Isa pa, sa ating panahon kung saan ang sangkatauhan ay hayok sa pakikipagtalik, ang pagiging birhen ay itinuturing na "kakatwa", "kakaiba", at kung minsa'y isang abnormalidad. Para sa kanila, si Santa Maria ay abnormal na babae kung hindi siya magkakaroon ng karanasan sa pakikipagtalik.
Kahit ang mga pasimuno ng Protestantismo noong 1500's na sina Martin Luther, John Calvin, at Ulrich Zwingli ay hindi tumutol sa doktrina ng pananatiling birhen ni Maria.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento