Maraming "Cristiano" ngayon ang naniniwalang Biblia ang tanging batayan ng mga doktrinang dapat ituro at sampalatayanan sa Simbahan. Ang tawag sa paniniwalang ito ay Sola Scriptura, mga salitang Latin na ang ibig sabihin ay "kasulatan lamang". Ang kumatha ng paniniwalang ito ay si Martin Luther, ang kinikilalang "ama" o pasimuno ng Protestantismo. Siya ang nagtatag ng kauna-unahang denominasyong Protestante, ang Lutheran Church, noong 1522. Sa Diet of Augsburg na ipinatawag ni Emperor Charles V noong 1530, isa ang Sola Scriptura sa mga naging opisyal na doktrina na kinilala sa Lutheran Church. Magmula noon, ang Sola Scriptura na ang naging pangunahing doktrina ng lahat ng mga nagsulputang denominasyong Cristiano. Kahit ang "Iglesia ni Cristo" na itinatag ni Felix Manalo Ysagun noong 1914, pati ang "Jehovah's Witnesses" na itinatag naman ni Charles Taze Russell noong 1874, at maging ang "Iglesia ni YHWH at ni YHWSA HMSYH" ("Ang Dating Daan"/"The Church of God International") na itinatag naman ni Eliseo Soriano noong 1976, ay pare-pareho ding naniniwala sa Sola Scriptura.
Naniniwala ba sa Sola Scriptura ang mga Judio? Hindi. Naniniwala ba sa Sola Scriptura ang nagkakaisang Simbahan noong unang sanlibong taon ng Cristianismo? Hindi. Kahit ang mga Muslim ay hindi naniniwalang ang "Koran" lang ang batayan ng mga doktrina nila. Ang Sola Scriptura ay isang natatanging doktrinang Protestante na naipakilala lang noong ika-16 na siglo. Isa itong bago at inimbentong doktrina.
Sa doktrinang Sola Scriptura, ang "scriptura" (kasulatan) na tinutukoy dito'y hindi lang basta tumutukoy sa "Biblia". Tumutukoy ito sa mga sari-saring bersyon ng Bibliang Protestante. Hindi ito tumutukoy sa mga Banal na Kasulatang ginamit ng mga sinaunang Cristiano at patuloy na ginagamit ng Simbahang Katoliko. Maaaring tumukoy ito sa isang piling bersyon ng Biblia na "wasto" ayon sa opinyon ng isang partikular na denominasyon. Halimbawa, sa panig ng mga Jehovah's Witnesses, ang Bibliang ginagamit nila ay ang New World Translation. Sa panig naman ng "Iglesia ni Cristo", gumagamit sila ng iba't ibang bersyon ng Biblia depende sa kung aling bersyon ang mas kumikiling sa mga itinuturo nila; halimbawa, para patunayang "Iglesia ni Cristo" ang pangalan ng Simbahan, sumasangguni sila sa Lamsa Translation.
Subalit kung "Biblia lang" ang batayan ng mga Protestante, paano nila nasasabi na ang isang partikular na bersyon ng Biblia ay "wasto"? Kahit hindi nila aminin, lumalabas na hindi lang ang Biblia ang batayan nila, kundi pati ang mga opinyon at pag-aangkin ng mga sari-saring mangangaral at "eksperto" na pinagtitiwalaan nila. At paano naman nila nalaman ang canon ng Biblia gayong hindi naman sinasabi ng Biblia kung anu-ano ba ang mga kasulatang dapat ituring na "banal"?
Itinuturo ba mismo ng Biblia ang doktrina ng Sola Scriptura? Hindi. Ang mga sinasabing "Biblikal na batayan" ng Sola Scriptura ay bunga lang ng mga maling interpretasyon. Tunghayan natin ang ilan sa mga madalas gamiting "katibayan":
Mga kapatid, para sa inyong kapakinabangan, kami ni Apolos ang ginamit
kong halimbawa upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, "Huwag
lalampas sa nasusulat." Huwag ipagmalaki ninuman ang isa at hamakin
naman ang iba.
|
Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin,
sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag
binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito.
|
Mula pa sa pagkabata, alam mo nang ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo
ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo Jesus.
Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng
katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong
gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng
Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain.
|
Mas mabuting kausapin ang mga Judio roon [mga taga-Berea] kaysa mga
taga-Tesalonica; wiling-wili sila ng pakikinig sa pangangaral ni Pablo,
at sinasaliksik araw-araw ang mga kasulatan upang tingnan kung totoo nga
ang mga sinasabi niya.
|
- ...pangangaral ni Pablo.. (TRADISYON NG MGA APOSTOL)
- ...sinasaliksik ang mga kasulatan... (Biblia)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento