Linggo, Pebrero 17, 2013

Ang Rosaryo at Kwaresma.. Pagninilay.


Ang Kwaresma ay panahon upang muling madiskubri ang kahalagahan ng panalangin. Ito ay magandang pagkakataon upang muli nating tanganan ang ating mga Rosaryo, at kasama si Maria, pagnilaynilayan ang buhay ng ating Panginoong Hesus. 





Maaari nating isipin na ang Kwaresma ay ang angkop na panahon sa ating taunang liturhiya na tunay na bumabalot sa Misteryo ng Hapis ng Santo Rosario. Sa katunayan ito nga talaga ang pwede nating ipakahulugan sa Kwaresma.
Ang pagninilay natin sa mga misteryo ng Santo Rosaryo ay isang pagkakataon upang ipagkaisa natin ang ating mga panalangin para sa mga kapatid nating dumaranas ng hirap ng katawan at puso, upang ipagdasal natin ang mga taong tinutuligsa dahil sa pakikibaka ng hustisya para sa mga naaapi, pangaapi dahil sa kanilang pananampalataya kay Kristo. Paano natin makakalimutan ang ating mga kapatid na inuusig o binubuwis ang sarili nilang buhay, mga kapatid natin sa Nigeria, China, India , ibang bansa sa Asya at iba pang mga lugar sa mundo.
Ang pagdarasal ng Santo Rosaryo ay isang pagkakataon upang matulungan natin mapagaan ang pait ng pagdurusa, ang nakapintong kamatayan at ang pakikibaka sa mga kaso ng kawalang hustisya. Ang mga taong nakikiisa sa mga pagdurusa na ito ay ang mga Simon Sireneo na tumutulong bumuhat ng mabigat na krus ng kanilang mga kapatid.
Ang pagdarasal ng Santo Rosaryo ay isang natatanging pagkakataon upang makapagbigay pasasalamat sa ating Panginoong Hesus sa kanyang walang hanggang pagmamahal, pagmamahal na ipinamalas niya sa kanyang kamatayan sa krus upang lahat tayo ay maligtas. 


Subalit huwag nating isipin na ang kwaresma ay karugtong ng Misteryo ng Hapis lamang.
Huwag nating kalilimutan na ang Marso ay nagpapaalala din sa atin ng unang Misteryo ng Tuwa dahil sa buwan na ito ay gugunitain natin ang piyesta ng PAGBATI NG ANGHEL KAY MARIA, ang Annunciation.
Sa Semana Santa ay ipagdiriwang din natin ang pagtatalaga ng BANAL NA EUKARISTIYA, na napapaloob sa Misteryo ng Liwanag.
Huwag din nating kalilimutan na ang PAGKABUHAY NG PANGINOON na pumapaloob sa MISTERYO NG LUWALHATI, ay ipinahayag ni Hesus sa kanyang mga disipulo! Si Hesus ay magpapakasakit at mamamatay ! Ngunit siya rin ay ang ating MULING PAGKABUHAY AT BUHAY! 


Kaya’t sa panahong ito ng Kwaresma kasama ang ating mga rosario – ang lahat ng ating pagrorosaryo – tayo ng tahakin ang daan patungong Herusalem!



Fr. Louis-Marie Ariño-Durand, o.p. 
Punong-Tagapagpalaganap ng Rosaryo
 


(Pagkilala sa May Akda na si Fr. Louise-Marie Ariño-Durand O.P)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento