Miyerkules, Nobyembre 07, 2012

Maililigtas ka ba ng Pananampalataya lamang? Tanggapin mo lang siya maliligtas ka na?

Makapagliligtas ba ang pananampalataya lamang? 

HINDI!

 (Santiago 2:14-26). Ang pananampalatayang hiwalay sa pag-ibig at gawa ay panloloko sa sarili, patay, at walang kabuluhan (1 Corinto 13:2; Santiago 1:22, 2:26). Ang mahalaga sa Diyos ay ang pananampalatayang "gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig" (Galacia 5:6 Ang Biblia). Sa mata ng Diyos, "pinakadakila sa lahat" ang pag-ibig (1 Corinto 13:13), at ang tunay na pag-ibig ay gumagawa (1 Juan 3:18).

 WALANG KABULUHAN ang pananampalatayang walang pag-unlad at hindi nadadagdagan ng kabutihang-asal, kaalaman, pagsupil sa sarili, katatagan, kabanalan, pagmamalasakit, at pag-ibig (2 Pedro 1:5-9). Maliwanag ngang sinasabi ng Biblia: "...ibinibilang na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at hindi dahil sa kanyang pananampalataya lamang." (Santiago 2:24). Hahatulan tayo ng Diyos batay sa mga mabubuting gawa na ginawa natin kalakip ng ating pananampalataya sa kanya (Roma 2:6-11; 2 Corinto 5:10; Juan 5:29; Mateo 16:27; 1 Corinto 3:8; Efeso 6:8). 


Sa katunayan, kasalanan sa Diyos ang hindi paggawa ng mabuti, na maaaring ikasadlak ng tao sa Impyerno: Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono. Sa panahong iyon, matitipon sa harapan niya ang lahat ng tao. Sila'y pagbubukud-bukurin niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa ang mga kambing. At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, "Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat ako'y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy.

 Ako'y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako'y nabilanggo at inyong pinuntahan." Sasagot ang mga matuwid, "Panginoon kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?" Sasabihin ng Hari, "Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito'y sa akin ninyo ginawa." At sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, "Lumayo kayo sa akin, mga sinumpa! Kayo'y pasaapoy na di-mamamatay, na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat ako'y nagutom at hindi ninyo pinakain, nauhaw at hindi ninyo pinainom. 

Ako'y naging isang dayuhan at hindi ninyo pinatuloy; ako'y nawalan ng maisuot at hindi ninyo pinaramtan. Ako'y may sakit at nasa bilangguan at hindi ninyo dinalaw." At sasagot din sila, "Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, nawalan ng maisuot, may sakit o nasa bilangguan, at hindi namin kayo pinaglingkuran?" At sasabihin sa kanila ng Hari, "Sinasabi ko sa inyo: nang pagkaitan ninyo ng tulong ang pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan." Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan. Mateo 25:31-46 Ang tunay na pananalig kay Jesus ay hindi lang "paniniwala sa isip" o "pagtitiwala sa puso" kundi isang radikal na katotohanang kinasasangkutan ng ating buong sarili. Ito'y isa ring pagkilos: ito'y ang pagtupad natin sa mga utos ng Diyos. 

Sinabi ng Panginoong Jesus: "Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay papasok sa kaharian ng langit, kundi yaon lamang sumusunod sa kalooban ng aking Amang nasa langit." (Mateo 7:21; Lucas 6:46). "Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos." (Juan 14:15). Ang mga nananalig kay Jesus ay tumutupad din sa mga utos ng Diyos, at sa gayo'y ginagantimpalaan ng buhay na walang hanggan (Lucas 10:25-28; Mateo 19:16-30). Maliwanag ngang sinasabi ng Biblia: "...hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang tumatalima rito ang pawawalang-sala ng Diyos." (Roma 2:13). Ang mga Cristiano'y tinawag ng Diyos sa "pananampalataya at pagsunod" (Roma 1:5, 16:26). 


Habang ang pananamapalataya'y bunga ng pakikinig (Roma 10:17), pinananaligan ng puso, at ipinapahayag ng labi (Roma 10:10), ito'y isa ring paggawa (Galacia 5:6; Santiago 2:14-26), at pagtalima sa mga utos ng Diyos (Mateo 7:21; Lucas 6:46; Juan 14:15). Ang pananalig kay Jesus ay hindi lamang isang personal na sentimyento o pagtitiwala na si Jesu-Cristo ang iyong "personal na Panginoon at Tagapagligtas". Ang PINAGMULAN o PANGUNAHING SANHI ng pagpapawalang-sala sa tao ay ang kagandahang-loob ng Diyos. Dahil sa kanyang habag sa atin, si Jesu-Cristo'y namatay at muling nabuhay upang tayo'y mapawalang-sala. "Ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin noong mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa." (Roma 5:8). 


Samakatwid, ang kaligtasan ay hindi mula sa tao, hindi kagagawan ng tao, at hindi utang na binabayaran ng Diyos sa tao (Tito 3:4-7; Efeso 2:8-9; Roma 3:28; Galacia 2:16). Ang pananampalataya at paggawa ng kabutihan ay ang mga hinihingi ng Diyos na TUGON mula sa atin; hindi ito mga "utang" na obligasyong "bayaran" ng Diyos. Kung ginagantimpalaan man niya ang ating mga mabubuting gawa, ito'y sapagkat nangako siyang gagantimpalaan niya tayo, at dahil itinuturing na niya tayong mga anak at hindi mga alipin (1 Juan 3:1). Sinabi nga: "Makatarungan ang Diyos. Hindi niya lilimutin ang inyong ginawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinakikita sa paglilingkod ninyo sa inyong kapwa Cristiano. At pinakananais ko na ang bawat isa sa inyo'y patuloy na magsumikap hanggang wakas upang kamtan ninyo ang inyong inaasahan. Kaya't huwag kayong maging tamad. 


Tularan ninyo ang mga taong nagtitiis at nananalig sa Diyos at sa gayo'y tumatanggap ng mga ipinangako niya." (Hebreo 6:10-12). Nang tayo'y bininyagan, tinanggap natin ang "Espiritu ng pagaampon" na nagpapakilalang anak tayo ng Diyos: "Upang ipakilalang kayo'y mga anak ng Diyos, pinagkalooban niya tayo ng Espiritu ng kanyang Anak nang tayo'y makatawag sa kanya ng 'Ama! Ama ko!' Kaya't hindi ka na alipin kundi anak. Sapagkat anak, ikaw ay tagapagmana ayon sa kalooban ng Diyos." (Galacia 4:6-7). Dahil sumasaatin ang Espiritu ng Diyos, dapat na tayong mamuhay ayon sa Espiritu at talikdan na ang buhay makalaman (Roma 8:1-17). "Ang nagsisikap sa mga bagay ukol sa laman ay aani ng kamatayan. Ang nagsisikap sa mga bagay ukol sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon, tayo'y mag-aani kung hindi tayo magsasawa. Samantalahin natin ang lahat ng pagkakataon sa paggawa ng mabuti sa ating kapwa, lalo na sa mga kapatid sa pananampalataya." (Galacia 6:8-10). 


Ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos (1 Corinto 12:9). Sinabi ng Panginoong Jesus: "Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin." (Juan 6:44). Nagiging "atin" lamang ito dahil nakikipagtulungan tayo sa Grasya ng Diyos sa pamamagitan ng ating isip, kalooban, at pagkilos. Gayon din ang pagsunod sa mga utos ng Diyos at paggawa ng mabuti: ang Grasya ng Diyos ang nagbibigay sa atin ng pagnanasa at kakayahang maisagawa ang kanyang kalooban, ngunit dahil tumutugon tayo at nakikipagtulungan, kaya't ang mga ito'y inaaring "atin" na nararapat gantimpalaan. "May takot at panginginig na magpatuloy kayo sa paggawa hanggang sa malubos ang inyong kaligtasan, sapagkat ang Diyos ang nagbibigay sa inyo ng pagnanasa at kakayahang maisagawa ang kanyang kalooban." (Filipos 2:12-13). 


Hindi natin hinahanap ang "ganap na kasiguruhan" na tayo'y mapupunta sa Langit (Mateo 7:21, 24:13; Roma 11:22; Filipos 2:12; 1 Corinto 9:27, 10:11-12; 2 Timoteo 2:11-13; Hebreo 6:4-6), bagkus nananatili tayong matatag sa ating PAG-ASA na tutuparin ng Diyos ang kanyang mga ipinangako sa mga tumatalima sa kanya (Tito 2:13; Roma 8:24-25). Ang kailangan lang ay manatili tayong tapat sa Diyos hanggang sa wakas upang matamo natin ang kaligtasan (Mateo 10:22).

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento