Biyernes, Disyembre 07, 2012

REJECT THE SATANIC RH/RP BILL! Magsama-sama tayo sa 12/12/12!

LABANAN NATIN ANG RH BILL!


Kaisa ng Simbahang Katolika, ang FRC YOUTH Ministry sa pagtutol sa pagpasa ng RH BILL. Ang RH BILL kung inyong uunawain ay may matibay na banta sa kalusugan ng Kababaihan gayundin ang pagwasak nito sa moralidad higit lalo ng kabataan. Ayon kay Secretary of the State Hillary Clinton " RH BILL is a
free access to abortion." Malinaw na binibigyang daan nito ang pagkitil o sinasabi nilang pagpigil sa pag-usbong ng buhay. Ito ay labag unang-una sa Konstitusyon ng Pilipinas Article 2 Section 12 na pangalagaan ang Ina at buhay sa sinapupunan nito.


 Ang bill na ito ay wala rin tinatawag na Ethics mas lalo't kapuna-puna ang paglalagay ng pondo para umagkat ng condoms at contraceptives. Ayon sa mga may akda nito, ang RH BILL daw ay makamahirap at mag aangat sa bansa tungo sa maayos at maunlad na estado subalit paano ito aangat ang kabuhayan tungo sa kaunlaran kung solusyon nila ay magpamigay ng CONDOMS at CONTRACEPTIVES na kung saan ay halos tuwiran nilang sinasabi na maari na kayong makipagtalik kahit kailan kahit saan dahil may proteksyon naman; kitang kita natin na malaki ang magiging epekto nito sa moralidad ng kabataan at pamilyang pilipino. Kung inaakala ng iba ng SAFE ang mga ito para makaligtas sa mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik NAGKAKAMALI PO KAYO dahil ang virus ng HIV ay higit na maliit sa mga tons ng goma meron ang condom. Ang RH BILL ay KONTRA KALUSUGAN!


Isa pang usapin ukol rito ay ang SEX EDUCATION na sinasabi ng mga may akda na magbibigay ng kamalayan sa kung ano ang tama? TAMA BA ITO? Itinuturing nating pinakamaliit na lipunan ay ang PAMILYA subalit anu pa ang magiging papel nito kung inaagaw ng pamahalaan ang karapatan ng pamilya ituro kung anu ang nararapat para sa kanilang mga anak. Ang RH BILL ay HINDI MAKAPAMILYA!


Kung ayon sa kanila ay PRO-WOMEN ang RH BILL bakit kinakilangan pa ng RH BILL, bakit hindi na lang pairalin ng MAGNA CARTA FOR WOMEN na kapareho rin naman ng nilalaman ng ilang bahagi ng RH BILL para sa kaligtasan sa panganganak ng babae.


Ginagawa lamang nilang PALUSOT ang bill na ito upang higit na makapag nakaw sa kaban ng bayan. HUWAG NATIN IBOTO ANG MGA TAGA SUPORTANG POLITIKO  NG RH BILL, DOON TAYO SA MGA TAGAPAGTAGUYOD NG BUHAY!





Muli po tayong magsama sama upang wakasan ang lagim ng RH BILL na pagbobotohan sa Dec. 12, 2012 (12/12/12) sa Batasan Pambansa. Narito ang liham at panawagan ng ating mga Obispo.. 










TUTULAN ANG DEMONYONG RH BILL na banta sa moralidad ng mga Pilipino lalo na sa kapakanan ng kabataan. 




-FRC YOUTH MINISTRY

Miyerkules, Nobyembre 28, 2012

New FRC YOUTH MINISTRY UNIT!

Ipagdasal po natin ang pagtatatag ng FRC YOUTH Ministry sa iba't ibang parokya! Sa ngayon ay may ilang parokya na ang dumudulog para magkaroon ng FRC YOUTH sa kanilang parokya! More FRC YOUTH soon!

Biyernes, Nobyembre 23, 2012

Bakit ba ang mga KATOLIKO ay may mga SANTO at SANTA? Ating alamin gamit ang KASULATAN..




Ang mga Santo ba'y pinaglalaanan natin ng paggalang at pagmamahal na higit pa sa paggalang at pagmamahal na inilalaan natin sa Diyos? HINDI. Malaki ang paggalang at pagmamahal natin sa mga Santo, subalit ang Diyos ang pinaglalaanan natin ng pinakamalaking paggalang at pagmamahal. Pinagpipitaganan ("pinamimintuhuan") natin ang mga Santo, subalit ang Diyos lamang ang ating Sinasamba. Namimintuho tayo sa mga Santo sapagkat sa pamamagitan nila naipakikilala ng Diyos ang kanyang kadakilaan


Samakatwid, malaki ang pagkakaiba ng relasyon natin sa Diyos at ng relasyon natin sa mga Santo; hindi lang magkaiba sa "sidhi" kundi pati sa mismong "katangiang-likas" ng mga ito. Kaya't walang katuturan na sabihing "nakalilito" ang kaibahan ng pamimintuho sa pagsamba. Ang tanging nalilito rito ay ang mga ireponsableng Katoliko na sinasadyang huwag magsimba, huwag magbasa ng Biblia, at huwag mag-aral ng Pananampalataya, at nagpaparamdam lang sa Simbahan tuwing Binyag-Kasal-Libing. 

 
Bilang mga Cristiano dapat tayong mag-ibigan sapagkat ito'y utos ng Panginoong Jesus (Juan 13:34-35), at sapagkat "ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid" (1 Juan 4:21). Kapatid natin sa pananampalataya ang mga Santo kaya't minamahal natin sila at ipinagpapauna ang kanilang kapurihan (Roma 12:10 Ang Biblia). Dapat nating igalang ang nararapat igalang at parangalan ang nararapat parangalan (Roma 13:7). Dapat nating igalang ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo (1 Pedro 2:17). Ang pamimintuho sa mga Santo ay tahasang itinuturo ng Biblia: 

 
Papurihan naman natin ngayon ang ating mga ninuno,
Ang mga lalaking natanyag noong kani-kanilang panahon.
Sa pamamagitan nila'y ipinakilala
ng Panginoon ang kanyang kadakilaan,
At ipinamalas ang kanyang kapangyarihan sa mula't mula pa...
Malaon nang nalibing ang kanilang mga bangkay,
Subalit mananatili pa ring buhay ang kanilang pangalan.
Matatanyag sa mga bansa ang kanilang katalinuhan,
At patuloy silang pararangalan ng buong sambayanan. 
Ecclesiastico 44:1-2, 14-15

 
Ang mga sari-saring pagkilos na karaniwang nagpapahiwatig ng pagsamba sa Diyos gaya ng pagyuko, pagluhod, pagpapatirapa, pag-aalay, atbp, ay maaari ding gawin bilang tanda ng paggalang sa mga santo. Sa Biblia, NAPAKARAMING HALIMBAWA ng mga pagyuko, pagluhod, pagpapatirapa, at paghahandog na isinagawa bilang paggalang sa mga banal na tao, mga propeta, mga hari, at mga anghel (Genesis 18:2, 19:1, 37:9, 49:8; Exodo 18:7; 2 Samuel 1:2, 9:6, 8, 14:4, 22, 33, 19:8, 14:20; 1 Hari 1:16, 19, 23, 31, 18:7; 2 Hari 1:13; 1 Cronica 21:21, 29:20; Daniel 2:46-48, 8:15-18; Ruth 2:10, atbp). 


Nagiging masama lamang ang mga ito sa tuwing isinasagawa na may intensyong sumamba sa halip na gumalang o mamintuho (Gawa 10:25-26, 14:8-18; Pahayag 19:10, 22:8-9). HINDI SINAWAY nina Apostol San Pablo at Silas ang bantay-bilangguan na nagpatirapa sa kanila, sapagkat iyon ay pamimintuho lamang at hindi pagsamba (Gawa 16:29). HINDI SINAWAY ng mga anghel ang mga babaeng nagpatirapa sa kanila ("lumuhod, sayad ang mukha sa lupa") dahil iyon ay pamimintuho lamang at hindi pagsamba (Lucas 24:4-5). 



Masama bang manalangin sa mga Santo? Hindi. Ang salitang Ingles nito na "prayer" ay hango sa salitang Latin na precari na ang ibig lang sabihin ay "pagsusumamo" o "pakikiusap". Ang pakikiusap o pagsusumamo sa kapwa natin ay hindi masama; sa katunayan, mismong si Apostol San Pablo ay nakikiusap/nagsusumamo sa kapwa niya Cristiano (Galacia 4:12; Filipos 4:2-3; Filemon 20). 


Sa ating mga Katoliko ang pakikipag-ugnayan natin sa Diyos at ang pakikipag-ugnayan natin sa mga Santo ay parehong tinatawag na "pananalangin", subalit ang dalawang ito'y malaki ang pagkakaiba. Ang pagdalangin sa Diyos ay ang pagtutuon ng ating puso't isipan sa Diyos, sapagkat Siya ang pinakadakila at makapangyarihan sa lahat, na buong pagmamahal na nagkakaloob sa atin ng mga mabubuting bagay. Ang pagdalangin sa mga Santo ay ang paganyaya sa kanila na samahan tayo sa pagdalangin sa Diyos; hinihiling natin sa kanila na ipanalangin nila tayo.

 
Subalit bakit pa natin kailangang hilingin sa mga Santo na ipanalangin nila tayo, sa halip na "dumeretso" na lang tayo sa Diyos? Ito'y sapagkat IKINALULUGOD NG DIYOS sa tuwing ipanapanalangin natin ang isa't-isa:  

"Una sa lahat, ipinakikiusap kong paabutin ninyo sa Diyos ang inyong kahilingan, panalangin, pamanhik, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Gayon din ang gawin ninyo para sa mga hari at mga maykapangyarihan upang makapamuhay tayo nang tahimik at payapa, marangal at may kabanalan. Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas na ang ibig ay maligtas ang lahat ng tao at makaalam ng katotohanan." (1 Timoteo 2:1-4).

 Kaya nga, walang masama--bagkus ay napakabuti pa nga--na ipanalangin natin ang ibang tao, at lalong walang masama na hilingin natin sa iba na ipanalangin naman nila tayo (Mateo 5:44; Santiago 5:16; 1 Timoteo 2:1-4; Roma 15:30; Efeso 6:19; Colosas 4:3-4; atbp). Mas maraming nagpapasalamat sa Diyos kung marami tayong nanalangin sa Kanya. Sinabi ni Apostol San Pablo: "Kami'y iniligtas niya noon sa tiyak na kamatayan at patuloy na inililigtas, at umaasang patuloy na ililigtas sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa kanya dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami." (2 Corinto 1:10-11). 


Pinagmamalasakitan at ipinapanalangin din tayo ng mga anghel (Zacarias 1:12), at sila ang naghaharap ng mga panalangin natin sa Diyos. Sinabi ni Jesus: "Ingatan ninyo na huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo: sa langit, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harapan ng aking Ama." (Mateo 18:10). Nang ang Panginoong Jesus ay natigib ng hapis na "halos ikamatay" niya, dumating ang isang anghel upang palakasin ang kanyang loob (Lucas 22:43). Tahasan ding sinabi ni Anghel Rafael kay Tobit: 


"Ngayon ko sasabihin sa inyo na noong manalangin ka, Tobit, at ang manugang mong si Sara sa Panginoon, ako ang nagharap ng dalangin ninyo sa Diyos. Gayon din ang ginagawa ko sa tuwing may inililibing ka. Alam ko na kahit ka kumakain ay iniiwan mo ang hapag para lamang maglibing ng patay. Bumaba ako rito para samahan ka. Ako rin ang sinugo ng Diyos para pagalingin ka at ang iyong manugang na si Sara. Ako si Rafael, isa sa pitong anghel na humaharap sa Diyos para maglingkod sa kanya."
Tobit 12:12-15  

Gaya ng mga anghel, ipinapanalangin din tayo ng mga Santo sa Langit. Sila'y "nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw-gabi sa templo niya." (Pahayag 7:15). Kasama ng mga anghel, sila rin ang naghaharap ng mga panalangin natin sa Diyos: "Lumapit ang Kordero at kinuha ang kasulatang nakalulon sa kanang kamay ng nakaluklok sa trono. Nang ito'y kunin niya, nagpatirapa sa harapan ng Kordero ang apat na nilalang na buhay at ang dalawampu't apat na matatanda. May hawak na alpa ang bawat isa, at may gintong mangkok na puno ng kamanyang. Ito ang panalangin ng mga banal." (Pahayag 5:7-8). Tahasan ding ipinakita sa Aklat ng Macabeo na ipinapanalangin tayo ng mga Santo sa Langit. BAGAMAT PATAY NA, ang Dakilang Saserdote noon na si Onias at si Propeta Jeremias ay nanalangin sa Diyos para sa kapakanan ng bansang Judio: 

"Nakita niya sa pangitain si Onias, dating Dakilang Saserdote at isang taong dakila at kahanga-hanga, mabait, mapagpakumbaba, magaling manalumpati, at sapul pagkabata'y sinanay na sa banal na pamumuhay. Nakataas ang kamay ni Onias habang nananalangin alang-alang sa bansang Judio. Lumitaw naman sa isang dako ang isa pang taong maputi na ang buhok na sa anyo ay marangal din at may pambihirang kapangyarihan. Ganito ang wika ni Onias tungkol sa taong ito: 'Ito si Jeremias, ang propeta ng Diyos na mapagmalasakit sa kanyang mga kapatid at maalab manalangin para sa banal na lunsod.' "
2 Macabeo 15:12-14
 
 
Ang mga Cristianong nasa daigdig at ang mga Cristianong nasa Langit (pati na rin ang mga nasa Purgatoryo) ay nagkakaisa dahil ang lahat ay kabilang sa iisang Katawan ni Cristo, ang Simbahan. Ang mga sambahayan sa langit at sa lupa (Efeso 3:15) ay nagkakaisa sa iisang Simbahan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus, ang ulo at panulukang-bato (Colosas 1:17-20; Efeso 2:21). Kaya naman, ang mga Santo sa Langit, ang mga banal na kaluluwang nililinis sa Purgatoryo, at ang mga santo dito sa Simbahan sa daigdig (lahat tayong mga Katoliko'y "santo" rin) ay may matalik na ugnayan sa isa't-isa. Pinatunayan ito ni Jesus nang siya'y nakipag-usap kina Propeta Moises at Propeta Elias (Lucas 9:31). Maliwanag ding sinasabi sa Sulat sa mga taga-Hebreo: 


"Ang nilapitan ninyo'y ang Bundok ng Sion at ang lunsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di-mabilang na anghel. Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon ng mga ibinilang na panganay, na nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong banal na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos..."
Hebreo 12:22-23
 
 
Kaya naman, ang ating pakikiisa sa mga Santo sa Langit ay IBANG-IBA sa "pagtatawag sa espiritu ng mga patay" na ginagawa ng mga espiritista at mga engkantador na ipinagbabawal ng Diyos (Levitico 19:31; Deuteronomio 18:11; Isaias 8:19-20). Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid (Santiago 5:16), kaya't sa ating pagdalangin sa Diyos, inaanyayahan natin ang mga Santo na manalanging kasama natin, upang mabigyang-lugod ang Diyos at ipagkaloob Niya ang mas lalong mabuti na higit pa sa hinihiling natin sa Kanya.
Sa ngayon, ang pinakamabuting magagawa natin ay ituwid ang ating mga kapatid na Katoliko na hinahaluan ng mga kataku-takot na pamahiin ang mga debosyon sa mga Santo. Iyan lang naman kasi ang "puno't-dulo" kaya maraming Protestanteng tumutuligsa sa ating mga ginagawa. Inaakala ng mga Protestante na dini-diyos natin ang mga santo, na "sinasapawan" na ng mga debosyon sa mga Santo ang debosyon natin sa Diyos, at pinapalitan na ng mga Santo ang pagiging Tagapamagitan ni Jesus. Ito'y isang malaking hamon hindi lamang para sa mga pari, kundi para na rin sa ating lahat na nakakaintindi.

Huwebes, Nobyembre 22, 2012

Story of Conversion! Share your Miracles!





Hi!


Ako si Robertson T. Poblete.


Bininyagan akong Katoliko noong bata pa ako, pero lumaki akong isang "born-again christian". Sa ngayon, anim na taon na ako sa pananampalatayang Katoliko. Awa ng Diyos, nakabalik.

Noon, tinutuligsa ko ang debosyon ng mga Katoliko sa Mahal na Birheng Maria.
Ganun kasi ako pinalaki ng mga born again. Mahilig manuligsa sa pananampalatayang Katoliko.

Noon ngang dose anyos ako, yung unang Rosaryo ko na natanggap ko mula sa religion teacher namin e itinapon ko lang sa kanal. Pero bago ko itinapon yun e nakatago lang yun ng matagal sa taguan namin. Blue yung original na kulay nun, nung tumagal naging "dirty blue" kasi nadumihan sa taguan, hanggang sa itinapon ko sa kanal.


Pangalawang Rosaryo ko, minsan nagpunta kami ng mga kaklase ko sa Manila Cathedral. May nagbebenta doon ng mga kwintas, pulseras, etc.
Bumili ako ng pulseras, akala ko kasi pulseras lang yun na may krus.
Nung pag-attend ko sa prayer meeting namin sabi sa akin ng 'churchmate' ko rosaryo daw yun. Alam niya kasi yung itsura ng rosaryo. Nung nalaman ko na rosaryo pala yun, ipinamigay ko sa pinsan ko.


Yung pangatlong Rosaryo na natanggap ko, kusang loob kong tinanggap yun. Alam kong Rosaryo yun, at sadya kong hiningi.
Nasa transition period ako noon from protestant to Catholic.
Nagpunta kami sa street mass noon ng gf ko, yung pari ng kanilang parokya ang nagmimisa at ang kanilang Catholic Charismatic group ang tumutugtog. Namigay sila ng Rosaryo doon. Sinabihan ko yung gf ko na ihingi ako. Nagulat siya pero inihingi pa rin niya ako. Kulay brown yung nakuha niya.


Pinalaki ako noon ng mga born again sa paniniwalang ang rosaryo daw ay isang paganong kagamitan, at ito ay sa demonyo, at ang pagdadasal nito ay isang paganong gawain, pagsamba kay Maria.
Pinaniniwalaan ko pa rin yan noon, kahit noong mga panahon na napasakamay ko yung pangatlong Rosaryo ko.
Wala akong intentsyon na dasalin ang Rosaryo nung ipinahingi ko yun sa gf ko.
NAGANDAHAN LANG AKO NOON SA ROSARYO, YUN LANG.
Magandang accessory.
Noong napasaakin yung Rosaryo na yun, lagi ko nang dinadala. Nakalagay sa bulsa, kasi maganda.
Bago ako matulog, hinahawakan ko, kasi maganda.
Tinititigan ko, kasi maganda.


Hanggang...


Dumating sa punto na tila ba ang kagandang nakikita ko sa Rosaryo ay nang-aakit na dasalin ko ito.
Kahit na tila ba naaakit ako na dasalin ang rosario, hindi ko magawa dahil nga ang akala ko isa itong gawain ng mga pagano, at isang pagsamba kay Maria.
Kaya bago ako UNANG UNANG BESES NA NAGDASAL ng Rosario, nagbasa ako ng tungkol dito. Pinag-aralan ko. 


Isa sa mga binasa ko ang Rosarium Virginis Mariae ni Pope John Paul II. At ang sabi niya, 


"With the Rosary, the Christian people sits at the school of Mary and IS LED TO CONTEMPLATE THE BEAUTY ON THE FACE OF CHRIST AND TO EXPERIENCE THE DEPTHS OF HIS LOVE." (RVM, 1)

At "To recite the Rosary is nothing other than to contemplate WITH Mary the FACE OF CHRIST." (RVM, 3)


Sa pagrorosary pala para kang kinukwentuhan ng Mahal na Birhen tungkol sa buhay ng Kanyang Anak na Si Hesus. Parang kayong sabay na tumitingin sa isang photo album at tinititigan ang iba't ibang larawan sa buhay ng kanyang Anak na si Hesus. At ang tawag dito ay mga Mysteryo...Joyful, Sorrowful at Glorious at Luminous.


Maganda ang paliwanag ni Pope John Paul II tungkol sa rosaryo, lalo kapag nabasa yung buong Apostolic Letter niya na nabanggit.
Nung minsang nagsosolo ako sa bahay, ginawa kong magrosaryo. Hindi ko kasi madasal ang rosaryo kapag nasa bahay ang kapamilya ko, hindi ako komportable, saka takot din ako na malaman nilang nagrorosaryo ako.
Yun yung kauna-unahang beses na nagdasal ako ng rosaryo. Pero kahit nagresearch ako tungkol sa rosaryo hindi pa rin ako komportable. May takot sa puso ko nung sinisimulan ko nang magrosaryo.


Habang dinadasal ko ang rosaryo noon, minemeditate ko ang Mysteries ng Buhay ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria.

ANG MGA MYSTERIES NA ITO AY NASA BIBLIA. 

Joyful Mysteries:
Anunciation - Luke 1: 26-38
Visitation - Luke 1:39-45
Nativity - Luke 2:1-7
Presentation at the Temple - Luke 2:22-38
Finding at the Temple - Luke 2;41-51



Sorrowful Mysteries:


Agony in the Garden of Getsemani - Luke 22:39-46
Scourging at the Pillar - John 19:1
Crowning of Jesus with Thorns - John 19:2-3
Carrying of the Cross - John 19:15
Crucifixion - Luke 23:26-43



Glorious Mysteries:
Resurrection - Luke 24:1-12
Ascension - Luke 24:50-53
Descent of the Holy Spirit - Acts 2
Assumption - 1 Thes. 4:15-17, 2 Kings 2:11
Coronation - Rev. 12:1



Nang makatapos akong magrosaryo, NAKARAMDAM AKO NG KAKAIBANG KAPAYAPAAN AT SAYA SA PUSO KO.


Lahat ng takot nawala. Masarap palang i-meditate ang buhay ng Panginoong Hesus kapag kasama mo ang Mahal na Ina. Kapag kasama mo ang taong kasa-kasama niya sa buong buhay niya. At hindi lang tomb kundi hanggang sa kanyang pag-akyat sa langit.
Dahil sa kagandahan ng beads ng Rosaryo na tinititigan ko noon, kagandahan na ng mukha ng Panginoong Hesus ang minemeditate ko ngayon.


Sa ngayon, anim na taon na ako sa Pananampalatayang Katoliko, minsan nakakaligtaan kong magdasal ng Rosaryo, pero sinisikap kong bago matapos ang isang araw magdadasal ako ng Rosaryo; Mula noong unang beses akong magrosaryo hanggang ngayon.


Sa pamamagitan ng pagrorosaryo. Lalong lumalim ang pagmamahal ko sa Panginoong Hesus. At natutunan ko ring mahalin ang Mahal na Inang Maria.
Bakit naman hindi? E siya ang kasa-kasama ko kapag binabalik-balikan ang kasaysayan ng buhay ng Panginoong Hesukristo.

Kung mahal mo talaga ang Panginoong Hesus, wala kang dapat ikatakot na mahalin ang taong PINAKAMALAPIT SA KANYA, ANG KANYANG INA.
At ito ang narealize ko:
KUNG ANG PAGROROSARYO AY ISANG GAWAING PAGANO...
GAWAIN BA NG PAGANO NA I-MEDITATE ANG BUHAY NG PANGINOONG HESUKRISTO? -ROBERTSON POBLETE

Sa kanyang ibinahagi ay nalaman kung ano ang pagtingin niya dati sa Mahal na Ina at sa pagdarasal ng Santo Rosaryo subalit sa masidhing alab ng pagmamahal ng Diyos na maibalik siya sa tunay na kawan ay pinagsumikapan niyang alamin ang mga bagay na may kauganayan sa pananampalataya. 

Sa ngayon si Robert ay isa na sa mga nagtatanggol sa pananampalatyang KATOLIKO lalo't higit sa Mahal na Ina Birheng Maria. Isa na rin siyang masugid na tagasuporta ng FRC YOUTH MINISTRY sa mga gawaing espiritwal nito at mga pagtatangahal.

Maraming Salamat Robert sa iyong pagbabahagi. Salamat sa inspirasyon at liwanag mula sa iyong karanasan. 

Muli po ay abangan natin ang iba pang istorya ng milagro sa buhay ng mga kapatid natin sa Simbahang Katolika. Mga paggaling, pagbabalik-loob at pagbabago ang atin pong susunod na mababasa. Tunay na gumagabay ang Espiritu ng Panginoon na ipinangako niya mula noon hanggang ngayon, Mateo 16:20, Mateo 28. 


  http://pilipinongkatoliko.wordpress.com/

Biyernes, Nobyembre 16, 2012

Happy 6th Year Anniversary FRC YOUTH MINISTRY!

Happy 6th Year Anniversary FRC YOUTH MINISTRY!



HAPPY 6TH YEAR ANNIVERSARY TO OUR FRC YOUTH MINISTRY! 
Marami pong salamat sa lahat ng mga taga suporta, nagmamahal, nagtitiwala, sa mga SPONSORS po namin at sa aming mga Mahal na si :

FR. ROQUE D' COSTA
FRC NATIONAL STAFF AND CORE GROUP
FR. ARIES REYES
BRO.MARCO EVANGELISTA
BRO.BERNARD CAÑABERAL,
SIS.BELEN RIVERA
BRO. WILLY GABRIEL

SIS.BAMBI LOZANO
PARISH YOUTH MINISTRY NG SAN ROQUE DE SAMPALOC
TITA WILMA ANASTACIO
TITA ANGELIE VARGAS

AT SA LAHAT NG NAGMAMAHAL AT SUMUSUPORTA SA FRC YOUTH MARAMING MARAMING SALAMAT PO AT MABUHAY PO KAYONG LAHAT! :)

Miyerkules, Nobyembre 14, 2012

Bibliya lamang ang saligan para maligtas? TAMA BA ITO?




Maraming "Cristiano" ngayon ang naniniwalang Biblia ang tanging batayan ng mga doktrinang dapat ituro at sampalatayanan sa Simbahan. Ang tawag sa paniniwalang ito ay Sola Scriptura, mga salitang Latin na ang ibig sabihin ay "kasulatan lamang". Ang kumatha ng paniniwalang ito ay si Martin Luther, ang kinikilalang "ama" o pasimuno ng Protestantismo. Siya ang nagtatag ng kauna-unahang denominasyong Protestante, ang Lutheran Church, noong 1522. Sa Diet of Augsburg na ipinatawag ni Emperor Charles V noong 1530, isa ang Sola Scriptura sa mga naging opisyal na doktrina na kinilala sa Lutheran Church. Magmula noon, ang Sola Scriptura na ang naging pangunahing doktrina ng lahat ng mga nagsulputang denominasyong Cristiano. Kahit ang "Iglesia ni Cristo" na itinatag ni Felix Manalo Ysagun noong 1914, pati ang "Jehovah's Witnesses" na itinatag naman ni Charles Taze Russell noong 1874, at maging ang "Iglesia ni YHWH at ni YHWSA HMSYH" ("Ang Dating Daan"/"The Church of God International") na itinatag naman ni Eliseo Soriano noong 1976, ay pare-pareho ding naniniwala sa Sola Scriptura.

 
Naniniwala ba sa Sola Scriptura ang mga Judio? Hindi. Naniniwala ba sa Sola Scriptura ang nagkakaisang Simbahan noong unang sanlibong taon ng Cristianismo? Hindi. Kahit ang mga Muslim ay hindi naniniwalang ang "Koran" lang ang batayan ng mga doktrina nila. Ang Sola Scriptura ay isang natatanging doktrinang Protestante na naipakilala lang noong ika-16 na siglo. Isa itong bago at inimbentong doktrina.

 
Sa doktrinang Sola Scriptura, ang "scriptura" (kasulatan) na tinutukoy dito'y hindi lang basta tumutukoy sa "Biblia". Tumutukoy ito sa mga sari-saring bersyon ng Bibliang Protestante. Hindi ito tumutukoy sa mga Banal na Kasulatang ginamit ng mga sinaunang Cristiano at patuloy na ginagamit ng Simbahang Katoliko. Maaaring tumukoy ito sa isang piling bersyon ng Biblia na "wasto" ayon sa opinyon ng isang partikular na denominasyon. Halimbawa, sa panig ng mga Jehovah's Witnesses, ang Bibliang ginagamit nila ay ang New World Translation. Sa panig naman ng "Iglesia ni Cristo", gumagamit sila ng iba't ibang bersyon ng Biblia depende sa kung aling bersyon ang mas kumikiling sa mga itinuturo nila; halimbawa, para patunayang "Iglesia ni Cristo" ang pangalan ng Simbahan, sumasangguni sila sa Lamsa Translation.

 
Subalit kung "Biblia lang" ang batayan ng mga Protestante, paano nila nasasabi na ang isang partikular na bersyon ng Biblia ay "wasto"? Kahit hindi nila aminin, lumalabas na hindi lang ang Biblia ang batayan nila, kundi pati ang mga opinyon at pag-aangkin ng mga sari-saring mangangaral at "eksperto" na pinagtitiwalaan nila. At paano naman nila nalaman ang canon ng Biblia gayong hindi naman sinasabi ng Biblia kung anu-ano ba ang mga kasulatang dapat ituring na "banal"? 


Itinuturo ba mismo ng Biblia ang doktrina ng Sola Scriptura? Hindi. Ang mga sinasabing "Biblikal na batayan" ng Sola Scriptura ay bunga lang ng mga maling interpretasyon. Tunghayan natin ang ilan sa mga madalas gamiting "katibayan": 


Mga kapatid, para sa inyong kapakinabangan, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, "Huwag lalampas sa nasusulat." Huwag ipagmalaki ninuman ang isa at hamakin naman ang iba.
1 Corinto 4:6
 
 
"Huwag lalampas sa nasusulat"--ang "nasusulat" ba na sinasabi dito'y tumutukoy sa mga Bibliang ginagamit ng mga Protestante? Hindi. Kung babasahin ang kabuuan ng 1 Corinto 4, ang sinasabing "nasusulat" ay isa lamang matalinghagang pananalita na tumutukoy sa dignidad ng mga tao na mahahayag lang sa Araw ng Paghuhukom (1 Corinto 4:5). Lumalabas, sa tuwing hinuhusgahan natin ang isang tao, "lumalampas" tayo sa mga "nasusulat" tungkol sa kanya. Kaya nga ang sinabing kahulugan ng naturang kasabihan ay hindi Sola Scriptura kundi "Huwag ipagmalaki ninuman ang isa at hamakin naman ang iba." 


Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito.
Roma 15:4
 
 
"Anumang nasa Kasulatan"--ang "Kasulatan" ba'y tumutukoy sa mga Bibliang ginagamit ng mga Protestante? Hindi. Tumutukoy lamang ito sa mga Banal na Kasulatan ng Judaismo; ni hindi rin ito tumutukoy sa mismong Sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma! Hindi rin natin basta masasabi na ito'y ang "Matandang Tipan" sa mga Biblia natin, sapagkat ang Canon Hebreo ay binuo lamang ng mga Judio sa konsilyo ng mga Pariseo sa Jamnia noong 90 AD, habang ang canon ng Bibliang Cristiano noon lamang ika-apat na siglo. Noong kapanahunan ni Jesus, pinagtatalunan pa ng mga Judio kung lehitimo ba ang mga kasulatang Ecclesiastes (Ang Mangangaral) at Mga Awit ni Solomon. Sa Sulat ni Judas ("Epistle of Jude", hindi si "Judas Iscariote"), mapapansing sumipi siya ng mga pahayag mula sa mga kasulatang Apocrypha gaya ng "Ang Pag-akyat sa Langit ni Moises" (Judas 9) at "Ang Aklat ni Enoc" (Judas 14-15), at mayroon ding kasabihan ng mga apostol na hindi naman nababanggit sa mga Ebanghelyo (Judas 17-18). Wala pang tiyak na panuntunan noon sa kung alin ba ang mga kasulatang kabilang sa mga Banal na Kasulatan. Isa pa, sa Roma 15:4, hindi naman sinasabi na ang mga "Kasulatan" ang tanging batayan ng "ikatututo natin" at tanging pinagmumulan ng ating "pag-asa". 


Mula pa sa pagkabata, alam mo nang ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananalig kay Cristo Jesus. Lahat ng kasulata'y kinasihan ng Diyos at magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagpapabulaan sa maling aral, sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay. Sa gayon, ang lingkod ng Diyos ay magiging handa sa lahat ng mabubuting gawain.
2 Timoteo 3:15-17
 
 
"Ang Banal na Kasulatan...lahat ng kasulata'y..."--ang mga "Banal na Kasulatan" ba na tinutukoy dito ay ang mga Bibliang ginagamit ng mga Protestante? Hindi. Wala itong ipinagkaiba sa mga Kasulatan na tinutukoy sa Roma 15:4. Maliwanag na tumutukoy ito sa mga kasulatang nakilala ni Timoteo "mula pa sa pagkabata", kaya't wala talaga itong kinalaman sa mga sari-saring bersyon ng Bibliang Protestante na umiiral ngayon. Ang mga "Banal na Kasulatan" na nakilala ni Timoteo mula pagkabata ay tumutukoy sa Septuagint, ang saling Griego ng mga Banal na Kasulatan ng Judaismo; at kasama sa Septuagint ang mga kasulatang Deuterocanonico na tinanggal naman sa mga Bibliang Protestante! Bukod pa rito, hindi naman sinasabi sa 2 Timoteo 3:15-17 na ang mga "Banal na Kasulatan" ang tanging nagtuturo ng daan ng kaligtasan, at tanging magagamit sa pagtuturo, pagpapabulaan, pagtutuwid, at pag-aakay. Ang mga "Banal na Kasulatan" ay mahalagang batayan ng ating Pananampalataya, subalit hindi ito ang tanging batayan ng ating Pananampalataya. 


Mas mabuting kausapin ang mga Judio roon [mga taga-Berea] kaysa mga taga-Tesalonica; wiling-wili sila ng pakikinig sa pangangaral ni Pablo, at sinasaliksik araw-araw ang mga kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang mga sinasabi niya.
Gawa 17:11
 
 
Ang mga "kasulatan" na binabanggit sa mga naturang pahayag ay hindi tumutukoy sa mga Bibliang Protestante, bagkus tumutukoy ito sa mga Banal na Kasulatan ng Judaismo--samakatuwid baga'y ang "Matandang Tipan" (at posible ding tumutukoy ito sa Septuagint). Kung ang pahayag na ito ay "katibayan" ng Sola Scriptura, lumalabas na ang "Matandang Tipan" lamang ang tanging batayan ng mga doktrinang dapat sampalatayanan at hindi na natin kailangan ng mga kasulatan ng Bagong Tipan. Subalit kaiba sa nais palitawin ng mga Protestante, ang Gawa 17:11 ay isa sa mga katibayan na hindi lang ang mga Banal na Kasulatan ang mapagbabatayan natin ng mga katotohanan sa Cristianismo:
  • ...pangangaral ni Pablo..  (TRADISYON NG MGA APOSTOL)
  • ...sinasaliksik ang mga kasulatan... (Biblia)
Maaari kang sumampalataya sa mga pangangaral ni Pablo kahit hindi ka nagsasaliksik ng mga Kasulatan, sapagkat ang mga pangangaral na namutawi sa bibig ng mga apostol at ang mga kasulatan na kinasihan ng Espiritu Santo ay parehong SALITA NG DIYOS na dapat nating tanggapin at sampalatayanan (1 Tesalonica 2:13; 2 Tesalonica 2:15; 2 Timoteo 3:15-17). 
 





Martes, Nobyembre 13, 2012

Story of Conversion!

We will feature the story of one of the FRC Youth member who came from Methodist and now a proud CATHOLIC and Marian devotee.

SOON!